Kinilala ang husay sa kahandaan ng Baliwag City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa pagresponde sa panahon ng sakuna, matapos tanghaling kampeon sa larangan ng Mass Casualty Incident Management (MCIM), sa 12th Bulacan Rescue Olympics (La Niña Challenge), noong Setyembre 25, 2024, sa San Rafael River Adventure, San Rafael, Bulacan.

Nagpakitang-gilas ang siyam na city at municipality DRRMO rescue teams, kabilang ang Norzagaray, San Miguel, Pandi, Calumpit, Balagtas, Bocaue, Bulakan, Malolos at Baliwag City, sa kani-kanilang mga kaalaman at kakayahan sa rescue operations. Ilan sa mga senaryong isinagawa ay ang Mountain Operation Search and Rescue (MOSAR), Water Search and Rescue (WASAR), at Mass Casualty Incident Management (MCIM), kung saan nagwagi ang Baliwag CDRRMO.

Binubuo ang Baliwag City CDRRMO rescue team, sa pangunguna nina Coach Marvin Castro, RN; team leader na si Mr. Jay Mark Felipe, EMT; at mga miyembro nito na sina Adrian Entia, EMT; Done Salvador; Edcel John Castro, RN; Ramon De Guzman; at Rey-An Trube. Ang kanilang dedikasyon at galing ang nag-uwi ng tagumpay sa kompetisyon.

Layunin ng kompetisyong ito na ipakita ang kahandaan, kasanayan, at mabilis na pagtugon ng mga bayan at lungsod sa Bulacan pagdating sa disaster risk reduction management upang masiguro ang maagap na pagresponde sa panahon ng sakuna.

Dahil sa pinakitang dedikasyon at husay ng CDRRMO Rescue Team, sa pamumuno ni CDRRMO Head Gregorio Santos, kinilala rin sila ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Mayor Ferdie V. Estrella, kasabay ng ginanap na lingguhang pagtataas ng watawat noong ika-30 ng Setyembre. Patuloy ang suporta ng lokal na pamahalaan at inaasahang lalo pang mapapabilis at mapapalakas ang kakayahan ng Baliwag CDRRMO sa pagtugon sa iba’t ibang uri ng sakuna sa lungsod ng Baliwag.

#BaliwagCity

#SerbisyongMayMalasakit