

Pinangunahan ng bagong halal na Punong Lungsod Mommy Sonia V. Estrella, ang sabayang panunumpa sa tungkulin ng mga bago at muling halal na opisyal ng Lungsod ng Baliwag, noong Hunyo 30 sa The Chapters, MDSF Social Hall, Tangos, Baliwag City, Bulacan
Dumalo bilang panauhing pandangal si Sen. Francis “Kiko” N. Pangilinan, na nagpahayag ng kanyang mainit na pagbati at pagsuporta sa mga bagong opisyal ng lungsod. Ibinahagi din niya ang kanyang makabuluhang mensahe ng pagsuporta sa agrikultura, partikular sa mga magsasaka at mangingisda gayundin ang isinusulong niyang pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Mommy Sonia V. Estrella ang kanyang hangaring ipagpatuloy ang mabubuting nasimulan ng nakaraang administrasyon, at itaguyod ang pamumunong may malasakit. Aniya, “Gusto kong tiyakin sa inyo, na kung paano tayo dinala ni Mayor Ferdie sa “level-up” version ng ating lungsod, ito ang bagong Baliwag, pagsisikapan kong maipagpatuloy ito, at kung kakayanin sa loob ng tatlong taon, hihigitan pa natin ang ating narating, pero ang gusto ko, kasama ko kayong lahat.”
Ibinahagi rin ni Vice Mayor Ferdinand V. Estrella ang kanyang buong pusong suporta bilang Pangalawang Punong Lungsod. “At ito po ang susundan, ipagpapatuloy, at naniniwala ako na kaya pang higitan, dahil ang Vice Mayor na kaharap ninyo ngayon, ay “all-out” at todo-todong susuporta para sa pagpapatuloy ng mga proyekto at pagtupad sa mga bagong pangarap para sa mga Baliwagenyo”, ani Vice Mayor Ferdie.
Sa pagtatapos ng seremonya, nagkaisang ipinahayag ng mga opisyal ang kanilang pangakong maglingkod nang buong husay, dangal, at malasakit para sa kinabukasan ng bawat Baliwagenyo.
#BaliwagCity
#Panunumpa2025
#AlagangEstrella
#SerbisyongMayMalasakit