Bilang bahagi ng paghahanda para sa Eleksyon 2025, pinangasiwaan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagsasagawa ng Memorandum of Agreement (MOA) signing noong Setyembre 19 sa City Government Conference Hall. Ang kasunduan ay ukol sa paglilipat ng polling center ng Barangay Pagala mula Jacinto Ponce Elementary School patungo sa SM City Mall Baliwag.

Pinangunahan ni Mr. Juan Carlos T. Vizcarra, Election Officer IV, ang seremonya, kung saan tinukoy niya na ang SM City Mall ay isang mainam na lokasyon para sa pagboto ng mga residente ng Barangay Pagala. Ililipat dito ang 23 established precincts mula sa Jacinto Ponce Elementary School sa Barangay Tangos.

Binigyang-diin ni City Administrator Enrique V. Tagle, na kinatawan ni Mayor Ferdie V. Estrella, ang suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag sa panukalang ito ng COMELEC. Dagdag pa niya, makakabawas din ito sa oras ng pagbiyahe ng mga botante, at convenient para sa kanila.

Pinasalamatan naman ni Baliwag City Schools Division Superintendent Rowena T. Quiambao, CESO VI, ang COMELEC dahil malaki ang maitutulong nito sa mga guro at maging sa pag-decongest ng Jacinto Ponce Elementary School.

Kasama sa mga lumagda sa kasunduan sina Vice Mayor Maria Claudette Serrano, Provincial Election Supervisor Atty. Mona Ann T. Aldana-Campos, PLTCOL. Jayson F. San Pedro, at mga kinatawan mula SM City Baliwag, Barangay Pagala, Concepcion, at Hinukay.

#BaliwagCity

#SerbisyongMayMalasakit

#2025Election