Mga Bagong Halal ng Baliwag, Nanumpa sa Katungkulan

1 comment

Mahigit dalawang libong Baliwagenyo ang nagsipagdalo kaninang umaga sa Star Arena upang tunghayan ang pormal na inagurasyon ng mga bagong halal na pinuno ng bayan na pinangunahan ni Mayor Ferdie Estrella.

Kasama ang kanikanilang mga pamilya, nanumpa sa tungkulin bilang mga lingkod-bayan sina Mayor Estrella, Konsehal Manny Balicanta, Konsehala Pechay Dela Cruz at Konsehal Dingdong Nicolas sa isang seremonya na pinangasiwaan ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito. Nilagdaan rin ng mga bagong-halal sa nasabing programa ang kanilang mga panata sa lipunan.

Nagbigay rin ng mensahe si Mayor Estrella at naglahad ng kanyang mga plano at pangunahing programa bilang pinuno ng bayan. Ilan sa mga ito ang all-out war laban sa ipinagbabawal na droga, 24/7 na customer service at rescue hotline, modernisasyon ng mga transaksyon sa munisipyo at ang High FVE sa Barangay, kung saan mismong munisipyo ang mismong maglalapit ng mga serbisyo ng pamahalaang bayan sa mga barangay.

Nagtapos ang pagtitipon sa ilang pagtatanghal makaraan ang paglulunsad ng kantang “Dugong Baliwag, Pusong Baliwag,” ang opisyal na ponograma ng administrasyong Estrella.

Narito ang buong mensahe ni Mayor Ferdie Estrella sa ginanap na inagurasyon.

Una sa lahat, maraming, maraming, maraming salamat po sa inyong lahat! Sa inyo na naniwala, nakiisa, nanindigan at nakipaglaban upang makarating po tayo sa ating kinatatayuan ngayon. Ang tagumpay ng inyong lingkod ay tagumpay ng bawat Baliwagenyo na naghahangad ng tunay at nararamdamang pagbabago sa ating bayan. Salamat, dahil sinamahan ninyo ako hanggang sa dulo ng laban. Kayo ang nagsilbing lakas at sandigan ko sa buong karanasang ito. Sa inyo pinadaloy ng Diyos ang Kanyang paggabay upang matapos natin ang laban at sa ating pagtatagumpay ay masimulan ang panibagong yugto ng pag-unlad ng ating minamahal na bayan.

Kaya naman, dito po sa Baliwag, change indeed has come. At sa unang isang daang araw ay sisikapin namin na maramdaman hanggang sa bawat tahanang Baliwagenyo ang pagbabagong pangungunahan natin. Lahat po tayo ay kasama rito. Wala pong maiiwan. Wala pong nakatanaw lang sa malayo. Dahil simula na po ng serbisyo, ng totoong serbisyo.

Magsisimula ang pagbabago sa munisipyo mismo – dahil ang ihahandog namin ay Serbisyong May Malasakit. Serbisyong magiliw, maagap, mabilis, mahusay at maaasahan. Serbisyong makabago, napapanahon at nararamdaman. Ilang linggo mula ngayon ay magiging computerized na ang mga pangunahing serbisyo at sistema sa munisipyo, mula sa simpleng pagtanggap ng mga liham-kahilingan hanggang sa pagkuha ng lisensya at pagbabayad ng buwis – lahat computerized na!

At para matiyak na kasama kayo sa buong proseso, bubuksan po natin ang 24-hour customer care hotline na 0917-505-STAR o 7827 na buong araw at gabing bukas para sa ano mang katanungan, kahilingan at karaingan ng bawat Baliwagenyo. Ito ang numerong dapat ninyong tandaan, lalo na sa panahon ng sakuna, krimen o ano mang emergency.

Ito rin ang numerong pwede ninyong tawagan para ireport ang mga tiwaling kawani ng pamahalaan. At makakaasa po kayo ng mabilis na aksyon sa inyong sumbong dahil sa hindi po natin pahihintulutan ang ano mang pang-aabuso, pandaraya at pananakot sa hanay ng ating tanggapan, kapulisan at lahat ng may mandato na maglingkod sa bayan.

Kasabay ng pagkakaroon ng 24/7 hotline ay ang pagbubukas din ng Rescue FVE – ito po ang sagot natin para sa mabilis, tiyak at makabagong paraan ng pagresponde sa tawag ng paglilingkod. Gaya po ng nakita ninyong drone kanina, balak po natin na magkaroon din ng ganyang kagamitan para sa mas eksaktong pag-monitor ng traffic o sa ano mang sakuna na maaaring tumama sa ating bayan tulad ng pagbaha. The name of the game is disaster preparedness. Dahil sa pabagu-bagong lagay ng panahon dulot ng climate change, dapat pong handa ang bawat Baliwagenyo sa ano mang sakuna.

Nabanggit ko na rin lang ang traffic, asahan po ninyo ang seryosong pagbabantay natin para matiyak na maayos ang daloy ng trapiko sa Baliwag. Isang komprehensibong plano po ang binuo upang maitama ang mga nakagawian nang sistema mula sa parking, pagbababa at pagsasakay ng pasahero. Sa unang tingin, tila komplikado ang problemang ito. Pero kapag inaral na mabuti, isa lang po ang sagot – disiplina. Kaya naman, maglalaan po tayo ng karagdagang parking area para sa mga pribadong sasakyan at terminal para sa mga pampublikong sasakyan. Mahigpit na ipatutupad ang mga Loading at Unloading areas, at sa pangunguna ng ating mga bagong traffic enforcers ay ang istriktong pagpapatupad ng batas-trapiko. Nagpapauna na po tayo ng pasabi lalo na sa mga nagmamaneho ng tricycle – para sa ka kapakanan ninyo at nga mga mananakay, sumunod po tayo sa mga pagbabagong magaganap dahil tinitiyak ko po sa inyo na ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng mas nakararami.

Ang tunay na baliwagenyo, dapat disiplinado. At kapag disiplina na ang usapan, bawal po ang palakasan. Bawal ang mga padrino. Lahat po tayo, kasama ako ay may obligasyon na sumunod sa batas para sa kapakanan at kaligtasan ng mas nakararami.

Para naman po matiyak na naaabot ng pamahalaang bayan ang lahat ng barangay, kami na po ang dadalaw at sa inyo sa pamamagitan ng programang High FVE sa Barangay. Sa programang ito, mas magiging madali, mabilis at akma ang mga tulong at suportang ilalaan sa bawat komunidad. Imbes na mamasahe pa kayo papuntang munisipyo, ang munisipyo na po ang pupunta sa inyo. Dahil naniniwala po ang inyong lingkod na hindi lamang tuwing kampanya nakakakita ng mga lingkod-bayan sa inyong lugar. Dapat po, mas madalas ninyo kaming nakakasama kapag kami ay nasa katungkulan na.

Bilang pagsuporta sa panawagan ng bagong Pangulo ng Pilipinas Rodrigo Duterte na aktibong sugpuin ng pamahalaan ang kriminalidad lalung-lalo na ang droga, tayo po sa baliwag ay istrikto na ring magpapatupad ng mga umiiral na batas upang matiyak na naproproteksyonan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga kabataan at kababaihan. Sa tulong ng kapulisahan, simula bukas, ika-2 ng Hulyo ay magkakaroon na po ang curfew mula ika-10 ng gabi hanggang ika-4 ng umaga ang mga kabataan na nasa edad 18 pababa. Ipagbabawal na rin ang pag-inom ng alak sa tabi ng kalsada. At sana po ay makaisa ko kayong lahat sa ating hakbang na magdeklara ng all-out-war laban sa ipinagbabawal na gamot.

Gaya ng ibang bayan at lungsod sa loob at labas ng Bulacan, ipagbabawal na rin po sa Baliwag ang paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar at sasakyan; ang paggamit ng plastic at styrofoam at pagkakalat sa lansangan. Kasabay nito ay ang mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation program. Dapat po, malinaw po sa atin, na tayong lahat ay mga katiwala lamang ng mundong ating ginagalawan. Sino man ay walang karapatan na basta na lamang magkalat, maminsala o pumatay ng ano man sa ating likas na yaman. Sa halip, responsibilidad po natin na ito ay alagaan, ingatan at payabungin para sa mga susunod na henerasyon ng mga Baliwagenyo. At upang maging patuluyan ang programa para sa Malinis at Luntiang Baliwag, regular po tayong magsasagawa ng Town-Wide Clean-Up Day upang maging isang pambayang gampanin ang pag-aalaga sa ating paligid laban sa polusyon, pagbaha, at karamdaman.

Ang pangarap nating Baliwag ay hindi lamang malinis at mapayapa. Gusto rin natin na tayo ay patuloy na umuunlad. Kaya naman, sisikapin nating makapagbukas ng maraming oportunidad upang mas maraming Baliwagenyo ang magkaroon ng trabaho nang hindi na kinakailangan pang lumabas ng bayan. Uunahin po natin ang pagbabagong-bihis ng sektor ng agrikultura. Magiging bukas po ang Pamahalaang bayan sa mga makabagong pamamaraan ng pagsasaka upang mas maging produktibo at maging globally marketable ang mga produkto at ani sa ating mga sakahan at pataniman.

Palalakasin din po natin ang Public Employment Service Office ng munisipyo upang matiyak na ang mga oportunidad para makapagtrabaho ay naipapaalam sa lahat at nakakapili ng mga tama at kwalipikadong aplikante sa bawat bakanteng posisyon.

Ang mga produktong Tatak Baliwagenyo ay tutuklasin at pauunlarin hanggang sa mabuo ang balak nating isang produkto kada barangay.

Sa aking panunungkulan ay mas bibigyan din natin ng tuon ang kapakanan ng mga kabataan. Ibabalik po natin ang free tuition para sa mga Baliwagenyong mag-aaral sa Baliwag Polytechnic College. Palalawigin din natin ang scholarship program at educational assistance program ng pamahalaang bayan. Gagawin po natin holistic ang pangangalaga sa mga pag-asa ng bayan kaya naman nakatakda po tayong bumuo ng isang comprehensive youth development program upang matiyak na nagagabayan natin ang pangkalahatang pag-unlad ng mga kabataan at nailalayo sila sa mga banta ng iba’t-ibang masamang impluwensya tulad ng droga. At bagamat pangkalahataan ang epekto, mas maraming kabataan po ang tiyak na makikinabang kapag nagkaroon na ng free wifi service sa Glorietta at Heroes Park simula ngayong Hulyo.

Katumbas na kalinga rin ang ibibigay natin para sa Senior Citizens at Persons With Disability. Bukod sa mga pribilehiyong itinatakda ng batas, bubuo rin po tayo ng programang tutugon sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Tulad ng maintenance na gamot na ipagkakaloob at ipadadala ng munisipyo sa mismong tahanan ng mga Senior Citizens na may karamdaman. Ang pagtatayo ng isang rehabilitation facility para sa mga nangangailangan ng physical therapy and recovery.

Aaminin ko po sa inyo, marami-rami po tayong kailangang habulin. Hindi lamang po sa paraan ng pamamalakad sa munisipyo kundi maging sa pagbibigay prayoridad sa mga lakas natin bilang isang bayan. Halimbawa po, sa huling tala na aming nakuha patungkol sa nutrisyon, tayo po ay pang-18 mula sa 18 bayan sa buong Bulacan. Mataas din po ang insidente ng krimen sa ating bayan. Mula taong 2013 hanggang sa kasalukuyan, ang bilang po ng election at politically motivated na krimen, mula sa pagkawala hanggang sa pagpatay ay umaabot na sa 70. Hindi po kalabisang sabihin, na ang huling tatlong taon kasaysayan ng ating bayan ay nabalot ng dilim, banta at takot. Bukod pa dyan, marami pong lugar at establisimentong itinayo sa ating bayan na dapat sana ay maituturing nang landmark ng Baliwag ang pinabayaang dumumi, bumaho at masira. (insert pictures of glorietta, heroes park, star arena, drainage, etc.)

Kaya naman sa abot ng makakaya ng inyong lingkod, sa tulong na rin ng bagong kawanihan na ating dadalin sa munisipyo ay lumikha kami ng iba’t-ibang programa na naglalayong pataasin ang kalidad ng buhay sa Baliwag. Mga programang tutulong sa amin upang mas malaman kung anong tulong ang kailangan ng isang komunidad. Mga programang aagapay sa ating mga mamumuhunan na paunlarin ang kanilang negosyo. Mga programang magpapakilala sa galing at husay ng ating mga kababayan. Mga programang mag-aangat ng kabuhayan ng bawat pamilyang Baliwagenyo. Mga programang magpapaningning sa ating minamahal na bayan.

Palalakasin po natin ang turismo sa Baliwag. Naniniwala po ako na marami tayong produkto na maaaring ipagmalaki bukod sa Buntal Hat at mga lugar na kung ating tutuklasin ay maaaring maging tourist attractions din. Magiging makinang, makulay at makabuluhan muli ang ating mga selebrasyon. Ibabalik natin ang masayang imahe ng ating bayan dahil ito talaga ang pagkakakilanlan natin.

Hindi na po tayo papayag na manaig ang takot at pangamba sa ating mga kababayan. Ang pagsisimula ng aking panunungkulan ang pagwawakas ng karahasan sa Baliwag. Subalit hindi po natin papayagang hindi managot ang mga taong nasa likod ng mga kaso ng pagpatay at pagkawala ng iba nating mga kababayan nitong huling tatlong taon. Sisikapin po nating maibigay ang katarungan para sa kanila at sa mga pamilyang kanilang naulila. Maaari po natin silang mapatawad subalit hinding-hindi po tayo makakalimot.

Excited na po akong magsimula. Bagamat maraming problema akong dadatnan sa munisipyo, naniniwala po ako na mas marami po tayong magagandang maihahain para sa mga kababayan nating nagtiwala sa inyong lingkod. At tulad po ng aking ipinangako noong panahon ng kampanya, sa abot ng aking makakaya ay ipagkakaloob ko ang pinakamahusay na paglilingkod na para sa inyo. The least that I can offer is my best. Hangga’t kaya ko, hangga’t possible, hangga’t tama, hangga’t kailangan, ibibigay ko para sa inyo.

Samahan po ninyo ako para sa mas maliwanag na Baliwag! Pagpalain po tayo ng Panginoon.

Ako po si Mayor Ferdie Estrella, Dugong Baliwag. Pusong Baliwag.

adminMga Bagong Halal ng Baliwag, Nanumpa sa Katungkulan

1 comment

Join the conversation
  • Angeeh Daquigan - reply

    Mabuhay ka Mayor Ferdie Estrella Dugong Baliwag Pusong Baliwag. God bless

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *