Muling pinatunayan ng Baliwag City ang katatagan ng angking kultura at pagmamalasakit ng mga mamamayan sa sariling tradisyon sa pagbubukas ng Baliwag City Buntal Festival 2025, na ginanap noong Mayo 27-29, sa ilalim ng temang “TATAK BALIWAG: Lalong Pagtitibayin, Bigkis ng Sariling Atin.”

Sa muling pagbubukas ng pinakamakulay at pinakamasayang selebrasyon ng lungsod, sinalubong ito ng mga naggagandahang karosa at mga nakakaindak na pagtatanghal mula sa mga talentadong Baliwagenyo. Damang-dama ng bawat isa ang mainit na diwa ng pagiging Dugong Baliwag, Pusong Baliwag na siyang nagpapatibok sa puso ng bawat pagdiriwang.


Ang tatlong araw na selebrasyon ay naging tagpuan ng sining, agrikultura, musika, at palakasan na pawang mga larangang nagbibigay-buhay sa pagkatao at pagkakakilanlan ng bawat Baliwagenyo. Kabilang sa mga tampok na aktibidad ang float parade, pagbubukas ng food park at Kadiwa ng Pangulo, mga paligsahan gaya ng skateboarding, Farmers’ Day, Lunsod Lunsad Music Festival, Music Industry Trade Fair, at ang Dangal ng Baliwag, na isang gabi ng pagkilala sa mga natatanging Baliwagenyo mula sa iba’t ibang larangan. Nagtapos ang festival sa Laro at Likha Culmination, tampok ang sining, galaw, at husay ng kabataang Baliwagenyo.


Sa kanyang talumpati, nagbigay rin ng taos-pusong mensahe si Mayor Ferdie V. Estrella, “Bagamat ito na ang huli kong pagdalo bilang inyong Punong Lungsod, asahan ninyong buong puso akong mananatiling kasama ninyo sa mga parating pang pagdiriwang natin ng mas makulay at masiglang Baliwag Buntal Festival.”

Higit pa sa kasiyahan, ang Buntal Festival ay patuloy na nagsisilbing paalala sa makulay na kasaysayan ng sipag, talino, at pagkakaisa ng mga Baliwagenyo. Sa ika-21 taon nito, patuloy nitong binibigyang-liwanag ang kahalagahan ng pagyakap sa sariling kultura bilang sandigan ng mas progresibong kinabukasan.

#BaliwagCity

#BaliwagCityBuntalFestival2025

#TurismoNgBaliwag

#DugongBaliwagPusongBaliwag