Matagumpay na nakapagtapos ng elementary at junior high school sa programang Alternative Learning System (ALS) ang 190 na Persons Deprived of Liberty (PDL) sa idinaos na graduation at moving up ceremony sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Baliwag City nitong May 17.

Dumalo bilang guest of honor si City Administrator Enrique V. Tagle at nagbigay ng mensahe at pagbati sa bawat PDL na nagtapos kasama ang kanilang mga pamilya at mga kamag-anak na dumalo sa seremonya. Pinasalamatan din niya ang Department of Education (DepEd) lalo’t higit ang mga ALS teachers na nagturo sa sa mga mag-aaral ng BJMP Baliwag City.

“Ang edukasyon para sa mga PDLs po sa Baliwag ay hindi po nagtatapos sa high school.  Mayroon din po kaming programa para sa kolehiyo, ang College Behind Bars ng BTECH,” saad ni Tagle.

Sa kaniyang talumpati hinikayat niya ang bawat PDLs na ipagpatuloy ang pag-aaral at tiniyak na ang suporta ng pamahalaang panglungsod ay mananatili matapos man nila ang kanilang pananatili sa selda.

Nakibahagi rin sa seremonya sina BJMP Regional Director (Region 3) Paulino Moreno, Sir Erwin John Santos, CESE, Warden Arvin Antonio, Cong. Ditse Tina Pancho, Vice Mayor Madette Quimpo at kasama pa ang ibang mga opisyal, stakeholders at partners.

Habang patuloy na pinapalawig ang mga programang pang-edukasyon sa Baliwag City tulad ng ALS at College Behind Bars, higit pang pagkakataon ang magbubukas para sa mga PDL na magtagumpay at magbagong-buhay. Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ay magpapatuloy upang masiguro na walang maiiwan sa ating pagsulong bilang isang maunlad na lungsod.

#BaliwagCity