Isang masiglang patimpalak ang naganap noong ika-17 ng Mayo bilang bahagi ng pagdiriwang ng taunang Buntal Hat Festival sa Baliwag, Bulacan. Ang “Bungkos Talino Quiz Bee” ay nilahukan ng mga mag-aaral mula sa elementarya at junior high school, na nagpakitang gilas sa kanilang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Baliwag City.

Ang quiz bee ay isa sa mga tampok na aktibidad sa Buntal Hat Festival, isang pagdiriwang na naglalayong ipakita ang mayamang kultura at kasaysayan ng Baliwag, kabilang na ang sikat na paggawa ng buntal hat. Ang patimpalak ay nilahukan ng mahigit 20 na paaralan mula sa buong lungsod.

Ayon kay Tourism Chief Division Officer Edwin Bautista, “Ang Bungkos Talino Quiz Bee ay isang mahalagang bahagi ng Buntal Hat Festival. Ito ay hindi lamang isang patimpalak, kundi isang paraan upang palalimin ang kaalaman ng ating kabataan tungkol sa ating kasaysayan at kultura.”

Ang Bungkos Talino ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng edukasyon at pagkakaisa, at inaasahang magpapatuloy bilang inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga Batang Baliwagenyo. Ang kasiglahan at tagumpay ng pagdiriwang ay patunay na ang edukasyon at pagmamahal sa kasaysayan ay mahalagang bahagi ng paghubog sa kinabukasan ng Lungsod Baliwag.

#BaliwagCity

#BaliwagBuntalFestival2024