Ang “TUKLAS ARAL: Cultural Education and the Localization of Baliwag City’s Schools Curriculum” ay ginanap noong Agosto 22, 2024 sa Hacienda Galea Resort and Events Place sa Baliwag, Bulacan. Dumalo ang mga guro mula sa iba’t ibang paaralan sa buong lungsod upang talakayin ang edukasyong pangkultural. Nakatuon ang programa sa pagpapahusay ng kurikulum ng mga paaralan sa Baliwag sa pamamagitan ng paglalahok ng lokal na kasaysayan at kultura sa mga module at lesson plan sa lahat ng asignatura.

 

Ang mga inimbitahang tagapagsalita ay nagbahagi ng impormasyon tungkol sa kanilang mga propesyon at kung paano sila makatutulong sa pagtuturo gamit ang lokal na kultura. Binuksan ni Dr. Jennifer E. Quinto, Hepe ng Curriculum Implementation Division (CID) para sa Baliwag City School Division, ang kumperensya sa pamamagitan ng pagbabahagi sa mga hakbangin ng mga pampublikong paaralan sa Baliwag sa pag-angkop sa kanilang pagtuturo ng lokal na kultura at komunidad ng Baliwag.

Kasunod ni Dr. Quinto, ibinahagi naman ni Ms. Cynthia Angeles, Pangulo ng Baliwag City Private School Association, kung paano pinapahusay ng mga pribadong paaralan ang mga karanasang pang-edukasyon ng kanilang mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga programang naglalahok ng mga pangrehiyong aspeto ng kultura sa kanilang mga estratehiya sa pagtuturo. Si Dr. Maria Jovita Zarate, isang senior lecturer mula sa Unibersidad ng Pilipinas, ay tinalakay kung paano magagamit ang cultural mapping upang bumuo ng epektibong teacher resource materials para sa mga guro na maisama ang lokal na kultura sa kanilang mga aralin.

Ibinahagi rin ni Ms. May Arlene Torres, ang Division Chief ng History and Heritage Division, Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office ang “Sineliksik Modules,” kung paano ang mga docufilms at pananaliksik ay isinalin bilang modules para mapanatili at itanghal ang mga kultural na pamana ng Bulacan. Sa panghuli, binigyang-diin ni G. Ryan Francis Reyes, isang guro mula sa De La Salle-College ng Saint Benilde, Manila ang papel ng mga museo bilang espasyong pang-edukasyon na nagbibigay sa mga mag-aaral ng mga hands-on na karanasan sa pagkatuto at nag-uugnay sa kanila sa kasaysayan at pamana.

Ang TUKLAS ARAL na kumperensya ay nagbigay ng mahahalagang pananaw at pamamaraan para sa mga tagapagturo upang pagyamanin ang kanilang kaalaman sa lokalisasyon ng kanilang mga lesson plan at paglalahok ng lokal na kultura sa pagtuturo sa mgamag-aaral. Binigyang-diin din ng aktibidad na ito ang kahalagahan ng pamamahalang nakabatay sa kultura (culture-based governance) upang maging posible ang programang ito. Kasalukuyang inihahanda ng mga piling mananaliksik, manunulat, at guro ang magiging aklat na siyang magsisilbing reperensiya para sa pagtuturo ng lokal na kultura. (CACTO)

#BaliwagCity