Alinsunod sa DILG Memorandum Circular No. 2025-016, isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag ang Local Governance Transition kung saan pormal na inilahad at ipinasa ang mga ulat, plano, at mahahalagang dokumento mula sa mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan, noong Hunyo 20 sa Baliwag City Hall Conference Room.

Tinalakay sa nasabing aktibidad ang mga pangunahing usapin tulad ng budget, procurement, assets, development plans, at iba pang dokumentong mahalaga sa maayos na pamamahala. Bahagi rin ng programa ang opisyal na turnover ng mga accountabilities bilang paghahanda sa pagpasok ng bagong administrasyon.

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Mayor Ferdinand V. Estrella ang kanyang damdamin bilang kasalukuyang Punong Lungsod. Aniya, may halong lungkot at saya ang kanyang nararamdaman. Lungkot dahil matapos ang siyam na taong paglilingkod ay kinakailangang iwan ang mga gawaing kanyang minahal, at saya naman dahil ang susunod na mamumuno sa lungsod ay may tunay na malasakit at hangaring ipagpatuloy ang mga nasimulan.

Matapos nito, nagsagawa rin ng ceremonial handover at pagpirma ng mga turnover forms bilang opisyal na paglilipat ng mga accountabilities sa susunod na administrasyon.

Ayon kay Mayor-elect Sonia V. Estrella, nagpapasalamat siya sa tiwalang ibinigay sa kanya ng mga Baliwagenyo at umaasa siya sa patuloy na suporta ng mga kawani ng pamahalaan, tulad ng ipinakita nila kina Mayor Romy at Mayor Ferdie. Nakiusap siya sa lahat na ipagpatuloy ang pagbibigay ng tapat at mahusay na serbisyo para sa patuloy na pag-unlad ng lungsod.

#BaliwagCity
#LocalGovernanceTransition
#TurnoverOfAccountabilitiesAndExecutiveBriefing
#AlagangEstrella
#SerbisyongMayMalasakit