Baliwag, muling tinanghal bilang SGLG 2018 Awardee ng DILG

Sa dalawang magkasunod na taon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Ferdie V. Estrella ay muling itinanghal ang Lokal na Pamahalaan ng Baliwag bilang ‘Seal of Good Local Governance (SGLG)’ 2018 awardee ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa hindi matatawarang tapat na pamamahala at kahusayan sa pagbibigay ng serbisyo sa kanilang nasasakupan.

Tinanggap ngayong araw ni Mayor Ferdie ang nasabing parangal kasama ang kaniyang butihing asawa na si Mayora Jonnah Estrella, Municipal Administrator Enrique V. Tagle at Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Jayfie Nasarro sa Manila Hotel sa kamaynilaan.

Ayon kay Mayor Ferdie, ‘walang mapaglagyan ang kaniyang kasiyahang nararamdaman sa muling pagkapanalo ng Baliwag sa dalawang magkasunod na taon. Labis ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng taong patuloy ang pagtitiwala sa kaniya at lalo na sa lahat ng kawani ng Pamahalaan ng Bayan ng Baliwag na buong puso at tapat na nagbibigay ng kanilang serbisyong may malasakit para sa ikauunlad ng Baliwag at ikagiginhawa ng mga Baliwagenyo.

Ayon sa mga political observer sa bayang ito, maraming magagandang epekto ang sunod-sunod na pagkapanalo ng Baliwag sa mga iba’t ibang parangal na kanilang nakakamit sa pangunguna ng administrasyong Estrella dahil mas nakikilala ang bayan. Kasabay nito ang pagtaas ng kredibilidad ng bayan at mas maraming opurtunidad ang makamit, lalo na kung ito ay magiging tuloy-tuloy pa sa mga susunod na taon.

Ang Seal of Good Local Governance ay ang pinakamataas at prestihiyosong parangal na ipinagkakaloob lamang ng gobyerno sa mga lokal na pamahalaan na nagpapakita ng natatanging kahusayan sa kanilang mga tungkulin at hindi matatawarang serbisyo na kanilang binibigay sa kanilang mga nasasakupan.

Matatandaan na mas naging mahigpit at tinasaan ng DILG ang kuwalipikasyon ng SGLG. Kung dati ay kailangan lamang ipasa ng mga pamahalaang lokal ang apat na core areas at isang essential area, sa SGLG 2018 ay kailangan maipasa ang pitong sektor ng pamamahala.

Ang nabanggit na pitong sektor ng pamamahala ay ang mga sumusunod: Financial Administration o Pamahahala sa Kaban ng Bayan, Public Order and Safety o Katahimikan, Kaayusan at Paglaban sa Droga, Disaster Preparedness o Paghahanda sa Sakuna, Social Protection o Pagpapaunlad at Pangangalaga sa Kapakanan ng Mamamayan, Environment Protection o Pangangalaga sa Kalikasan, Business Friendliness at Competitiveness o Maayos na Sistema para sa mga Negyosyante at Namumuhunan at Arts, Culture and Tourism o Suporta sa Sining, Kultura at Pamana at Pagpapaunlad ng Turismo.

Mark Anthony MillanBaliwag, muling tinanghal bilang SGLG 2018 Awardee ng DILG