Sumailalim sa Regional Assessment ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – Region III ang Baliwag City, sa unang taon nito bilang lungsod, para sa 2024 Seal of Good Local Governance (SGLG) Regional Assessment, noong ika-4 ng Hunyo.

Pinangunahan nina DILG Bulacan Provincial Director Ms. Myrvi Apostol-Fabia, CESO V, at Ms. Lydia Baltazar, LGOO VII, ang pagsasagawa ng nasabing assessment sa Pamahalaang Lungsod ng Baliwag base sa iba’t ibang governance areas kabilang ang:

– Financial Administration and Sustainability
– Disaster Preparedness
– Social Protection and Sensitivity
– Health Compliance and Responsiveness
– Sustainable Education
– Business-Friendliness and Competitiveness
– Safety, Peace and Order
– Environmental Management
– Tourism, Heritage Development, Culture and Arts
– Youth Development

Ibinahagi ni City Mayor Ferdie V. Estrella ang iba’t ibang mahahalagang hakbang na isinasagawa ng Pamahalaang Lungsod alinsunod sa bawat pamantayang nakasaad sa pagkamit ng SGLG.

Maliban dito, nagbahagi rin si City Administrator Enrique V. Tagle ng mga programang inisyatibo ng Pamahalaang Lungsod tulad ng training programs para sa mga barangay officials at tanod, college behind bars, bridge program para sa mga empleyado ng Pamahalang Lungsod, BTECH Senior High School, at Barangay BIDA para parangalan ang mga mahuhusay na barangay.

Pinuri naman ni PD Ms. Myrvi Apostol-Fabia ang mga inisyatibong ito at binigyang-diin niya na ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit maraming local government units (LGU) ang pinipiling magsagawa ng benchmarking sa lungsod ng Baliwag.

Ang SGLG ay isang pagkilala para sa katapatan at kahusayan ng mga natatanging LGU sa Pilipinas. Binibigyang gantimpala nito ang integridad at mahusay na pagganap at pamamahala na may layong itatag ang patuloy na pagbabago at pag-unlad ng mga lokal na pamahalaan sa bansa.

#BaliwagCity

#SGLGAssessment2024