Bubuksan na ang bagong tatag na Baliwag City Barangay Academy kung saan isasagawa ang inilunsad na training program para sa Barangay Peace-keeping Action Teams (BPATs) na pangungunahan naman ng Baliwag Polytechnic College (BTECH).

Uumpisahan na rin ang pagtanggap ng enrollees sa bawat barangay ng lungsod na sasailalim sa 240 oras ng pagsasanay sa loob ng 30 araw upang hubugin nang husto ang kanilang mga kaalaman at kasanayan para sa epektibong pagganap nila sa kanilang tungkulin na protektahan ang mga mamamayan sa kanilang mga barangay.

Sa ilalim ng programa, nakasaad ang mga dapat nilang aralin na may kinalaman sa kanilang basic competencies partikular ang paghubog ng kanilang kakayahan sa wikang Ingles, komunikasyon, at basic computer operations. Gayundin ang pagbabahagi ng modules upang linangin ang kanilang kaalaman sa kanilang mahahalagang gampanin at responsibilidad bilang tagapagpalaganap ng kapayapaan sa kanilang komunidad.

Ang pagtatatag ng Baliwag City Barangay Academy ay inisyatibo ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Ferdie V. Estrella upang paigtingin ang kakayanan at kaalaman ng mga kawani ng bawat barangay sa lungsod  sa pagtugon sa krisis sa kanilang komunidad.

#BaliwagCity

#SerbisyongMayMalasakit