Muling nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Baliwag ng 2nd Quarter Joint Meeting ng City Peace and Order Council (CPOC), City Anti-Drug Abuse Council (CADAC), at City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) para sa taong 2025, na dinaluhan ng mga opisyal at kawani ng mga tanggapan na may kinalaman sa usaping pangkapayapaan at pangkaligtasan nitong June 23 sa Baliwag City Hall Conference Room.

Unang tinalakay ang Drug-Free Workplace Program na ipinresenta ng resource speaker na si Mr. Glenn Guillermo, mula sa PDEA Region III. Ibinahagi niya ang mga pangunahing gampanin ng programa upang maisulong ang isang ligtas at produktibong lugar ng trabaho.

Sunod namang inilatag ni PLTCOL. Jayson San Pedro ng Baliwag City PNP ang Peace and Order Situation ng lungsod, kung saan inilahad niya ang paghahambing ng datos mula 2024 hanggang 2025. Batay sa kanilang tala, bumaba ang crime rate, na patunay ng epektibong implementasyon ng mga programa para sa kapayapaan. Kaugnay nito, ibinahagi rin ang patuloy na tagumpay ng kampanya kontra ilegal na droga kung saan 12 barangay na ang naideklarang drug-cleared.

Bilang tugon, pinuri ni Mayor Ferdinand V. Estrella ang pamunuan ng Baliwag PNP sa pangunguna ni PLTCOL. OSan Pedro sa kanilang matagumpay na kampanya laban sa kriminalidad.

Nagbahagi rin ng kanilang mga public safety programs at aktibidad si FSINSP. Jerry G. Magalang ng Baliwag City BFP, habang iniulat naman ng kinatawan ni JCINSP. Arvin C. Antonio ng Baliwag BJMP, ang kanilang pakikipagtulungan sa Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag. Sa kasalukuyan, 49 PDL ang nakapag-enroll sa College Education Behind Bars Program, na kumukuha ng kursong BS in Information Technology.

Samantala, iniulat din ni CDRRMO Head, Mr. Gregorio Santos, ang kanilang administrative accomplishments, responded cases, early warning updates, community based trainings, at mga aktibidad kaugnay ng National Disaster Resilience Month.

Tinalakay rin sa pulong ang lumalalang pagkakasangkot ng kabataan sa krimen, at bumuo ng mga konkretong hakbangin upang tugunan ang naturang suliranin.

Kasabay ng pagtatapos ng kanyang termino bilang Punong Lungsod, nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Ferdie sa lahat ng miyembro ng CPOC, CADAC, at CDRRMC sa kanilang dedikasyon sa paglilingkod para sa mga Baliwagenyo.

#BaliwagCity
#BaliwagCity20252ndQuarterJointMeeting
#BaliwagCPOC
#BaliwagCADAC
#BaliwagCDRRMC
#SerbisyongMayMalasakit
#AlagangEstrella