Emmanuel Romano: Ipinagmamalaki ng mga Baliwagenyo!

No comments

Abril 16, 2018 – Ginawaran ni Mayor Ferdie ng Sertipiko ng Pagpapahalaga si Emmanuel Romano, isang magbabasura mula sa Baliwag Solid Waste Management Officepara sa kanyang ipinamalas na katapatan at Serbisyong may Malasakit ng kanyang buong pusong isauli ang perang nagkakahalaga ng humigit kumulang 400,000 pisomula sa basurahan.

 

Buong pusong isinauli ni Emmanuel ang perang kanyang napulot mula sa tumpok ng basura habang sya ay nangongolekta ng mga basura umaga ng Sabado De Gloria – Marso 31, 2018.  Sa kabila ng kahirapan sa buhay ay mas pinili ni Emmanuel na gawin ang nararapat ng kanyang bolontaryong isauli ang pera sa tunay na may ari nito.

Hindi itinanggi ni Emmanuel na natukso din sya noong una sa perang kanyang napulot sa basura na sa kabuuan ay nagkakahalagang 427,798 piso. Sa kwento nya’s tunay nga daw na malaking tulong sana sa kanilang pamumuhay ang napulot na pera lalo pa at kailangan ng ipagawa ang bahay na kanilang tinitirahan at may sakit ang kanyang bunsong anak. Ngunit mas nanaig sa kanya ang tawag ng konsensya at Pusong Baliwagenyo kaya mas pinili nyang gawin ang nararapat – ang i-surrender sa kinauukulan ang kanyang napulot.

Nasuklian naman ang katapatang ito ni Emmanuel dahil sya ay pinagkalooban ng 20,000 piso bilang pabuya ng may ari ng pera at pinangakuan din na ipapagamot ang kanyang anak. Ang perang natanggap ay ginamit ni emmaneul upang ipagawa ang kanilang bahay. Sa kabilang banda ay bumuhos naman ang suporta at tulong ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag at iba pang Baliwagenyo para kay Emmanuel bilang pagkilala sa kanyang katapatan sa serbisyo.

Agad na nag-viral sa social media ang ginawang kabutihang loob na ito ni Emmanuel kaya’t daglian itong naarating sa Kapuso Mo Jessica Sojo – isang regular na programa sa GMA7. Ipinalabas sa KMJS ang kwentong ito ni Emmanuel na ngayon ay halos umaabot na sa 53,000 shares at 4.6M views makalipas ang halos isang lingo lamang. Nag-trending ang kwentong ito ni Emmanuel kung saan ay kanyang naipamalas na tunay ngang “God is with Us” at ang bawat mabubuting gawa ay susuklian ng Panginoon ng siksik, liglig at umaapaw na biyaya.

Isang sorpresa ang natanggap ni Emmanuel ng pormal na inanunsyo ni Mayor Ferdie sa kanyang lingguhang pagsasalita sa Flag Ceremony ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag na kanya ng gagawing permanente sa trabaho si Emmanuel. Ito ay di lamang bilang pagkilala sa kanyang kabutihang nagawa ngunit bilang tulong na rin sa pamumuhay ng kanilang pamilya. Nais ni Mayor Ferdie na maging isang mabuting halimbawa si Emmanuel ng isang tunay na LODIng Baliwagenyo di lamang sa kanyang mga kapwa kawani ngunit pra na din sa lahat.

Di lamang sa mga pagkilala, tulong pinansyal at pagkapermanenteng ito nagtatapos ang mga biyayang natatanggap at tatanggapin pa ni Emmanuel sapagkat may ilang pribadong indibidwal at TV Shows na rin ang patuloy na nakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Bayan ng Baliwag patungkol kay Emmanuel.

Mark Anthony MillanEmmanuel Romano: Ipinagmamalaki ng mga Baliwagenyo!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *