Bukas na Liham para sa aking mga Kabarangay sa Sta. Barbara, Baliwag

No comments

(SIPI ng) BUKAS NA LIHAM PARA SA MGA TAGA STA. BARBARA, BALIWAG

Mahal kong mga kababayan,

Bilang ama ng Bayan ng Baliwag, hangad ko ang kabutihan at kagalingan ng higit na nakararami sa ating mga kababayan.

Kaya naman simula nang maupo ako bilang inyong Punongbayan, nagpaalala po tayo, nakiusap, namanhik – na sana naman ay maiayos ang lahat nga mga pagkakaiba sa usaping pulitika, upang maisulong natin ang tunay na diwa ng Serbisyong May Malasakit sa ating bayan.

Bilang lingkod bayan, tungkulin kong tugunan ang mga hinaing ng ating mga kababayan, at ituwid ang mga pagkakamali ng mga opisyal sa aking nasasakupan, dahil ito ang nararapat.

Para sa kabatiran ng lahat, isa-isahin po natin ang patunay:

1. ANG BAGONG CHILD-FRIENDLY GATE AT SAFETY BAY NG STA. BARBARA ELEMENTARY SCHOOL (ES)

Ang pagpapagawa ng bago at ligtas na school gate sa lahat ng public schools sa Baliwag ay tugon ng Munisipyo upang matiyak na ang mga mag-aaral natin ay nakapapasok at nakalalabas ng paaralan, protektado sa banta ng panganib sa kalsada tulad ng vehicular accident. Gayundin, para matiyak na may sapat na babaan at sakayan upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko na angkop na angkop sa Sta. Barbara ES dahil nasa tabi ito ng national highway.

Nang idinulog ang proyektong ito sa pamunuan ng barangay Sta. Barbara, hindi kaligtasan ng mga mag-aaral ang naging pangunahing konsiderasyon ng barangay, bagkus ay ang magiging epekto nito sa nakatayong waiting shed. Napag-alaman namin na hindi naman pala mga magulang ng mag-aaral ang nakikinabang dito, dahil extension na pala ito ng barangay hall, gaya ng mga ulat na ipinarating sa amin. Gayunpaman, matapos ang matagal na pakiusapan ay natuloy ang proyekto, subalit matigas pa ring tinutulan ng inyong Kapitan ang paggiba sa waiting shed, sa kabila ng pagsang-ayon ng DepEd at pamunuan ng PTA ng paaralan na alisin na ito.

Para sa kaalaman ng lahat, ang lupang pinagtayuan ng waiting shed ay pag-aari ng DepEd, kaya sila ang may karapatan kung paano ito gagamitin sa proyektong kapaki-pakinabang sa kanilang mga mag-aaral. Subalit, taliwas sa pinupunto ni Kapitan na nagsisilbi itong hintayan ng mga magulang, naging extension na pala ito ng Barangay Hall kung kaya’t hindi naman talaga ito masasabing waiting shed.

Ibig pong sabihin, ng isinusulong po natin ay pagtatama sa mga maling pagawain noon. Gaya rin ng pagtatamang gagawin natin sa kinalalagyan ng inyong barangay hall na kasalukuyang nakatayo sa lupang pag-aari pa rin ng DepEd. Ngayong 2018, naglaan na tayo ng pondo para sa pagpapagawa ng bagong Sta. Barbara Barangay Hall sa lupang pag-aari ng Pamahalaang Bayan.

2. GINAWANG EXTENSION OFFICE NG BARANGAY ANG PTA OFFICE

Hindi lang waiting shed ang naging extension, ang gusaling pinagawa ng CIBAC Partylist para sa PTA ng Sta. Barbara ES ay walang abisong pinasok para gawing extension office ng barangay. Ayon sa DepEd, WALANG PAHINTULOT mula sa kanila ang ginawang ito ni Kapitan at nagdulot ng takot at pagkadismaya dahil ito, anila, ay malinaw na pang-aabuso sa kapangyarihang mayroon ang Kapitan.

Kaya naman nagpatulong na ang DepEd sa PNP upang mapigilan si Kapitan sa iligal na pagpapagiba ng gusali sa loob ng paaralan, na nagdulot na ng pangamba sa mga guro at mag-aaral.

Nakarating na nga rin po sa atin ang sumbong at suhestyon ng ilang mga taga-Sta. Barbara, na dapat anila ay tanggalin na lamang ang diumano’y kama at mga nakahilerang rubber shoes sa barangay hall upang lumuwag ito, at hindi na kailangan pa ang extension office.

3. PAGKA-ANTALA SA PAGLALAGAY NG LIBRENG WIFI SA BARANGAY

Proyekto din po ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng libreng wifi access sa mga barangay at kasama po ang Sta. Barbara sa unang batch na lalagyan nito. Ang nangyari, lahat ng barangay na kasabay nito ay may libreng wifi na maliban sa Sta. Barbara dahil sa paulit-ulit na pag-usisa ni Kapitan sa kabila ng paulit-ulit na pagpapaliwanag ng contractor. Ang tanong ng inyong lingkod: Bakit kailangang harangin ang isang programang libreng ibinibigay ng munisipyo para sa barangay?

4. ANG PAGPAPATAYO NG STA. BARBARA HIGH SCHOOL

Setyembre 2017 nang magkaroon ng groundbreaking para sa itatayong Sta. Barbara High School na joint project ng Munisipyo at Kapitolyo. Hindi maitatanggi ang malaking pakinabang na idudulot nito, hindi lamang sa mga kabataan ng Sta. Barbara, kundi maging sa mga kalapit-barangay.

Pebrero 2018 na po ngayon subalit wala pang nasisimulang konstruksyon sa lugar dahil sa muling pagharang. Dahil sa kabila ng permit na binigay ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) na putulin ang ilang puno sa lugar, pinigilan ito ni Kapitan.

May mga nakarating po sa ating sumbong na, diumano’y gustong kumolekta ng P500 kada punong mapuputol ang barangay, at hinihingi rin nila ang kahoy.

Ngayong linggo lamang tuluyang nasimulan ang paghahawan sa site ng itatayong paaralan na sana ay noong isang taon pa nasimulang pagtayuan ng gusali.

Mga minamahal kong kababayan, alam naman natin na sa bawat isyu, laging may dalawang panig, pero isa lang po ang nagsasabi ng katotohanan.

Sa pinakahuling patawag po ng Punong Lalawigan, Gob. Alvarado, kaugnay ng mga hinaing ng mga mag-aaral at guro ng Sta. Barbara ES, nakarating po sa inyong lingkod ang payo ng ating gobernardor. Binigyang diin niya na magkahiwalay ang hurisdiksyon ng barangay at paaralan, nangangahulugan na dapat may konsultasyon at permiso bilang respeto sa bawat institusyon, bago magpatupad ng mga proyekto na maka-aapekto sa bawat panig.

Gayundin po, nagagalak tayo sa mahalagang pangaral na ibinagi rin ni Gob sa parehong pulong, na dapat sumuporta at makiisa ang Kapitan sa Mayor, gaya ng pagsunod po natin sa mga proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan.

Sa ngalan ng Serbisyong May Malasakit,

FERDIE V. ESTRELLA

Punong Bayan

Mark Anthony MillanBukas na Liham para sa aking mga Kabarangay sa Sta. Barbara, Baliwag

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *